Mga Gabay Ng Komunidad - Duolingo
Mga Gabay ng Komunidad
Ang Duolingo ay isang pandaigdigang komunidad ng mga nag-aaral ng wika
Naniniwala kaming ang lahat ay dapat may pagkakataong makakuha ng libreng edukasyong pangwika. Ang pakay ng mga gabay namin ay magtaguyod ng pantay-pantay na pang-unawa sa pagiging bahagi ng komunidad na ito. Kikilos kami kung may alinman sa mga gabay dito ang hindi natupad, kaya basahin nang mabuti ang mga ito.
Laging Maging Magalang
Nagsama-sama kami mula sa buong mundo na iba-iba ang lebel ng wika pero may iisang layunin - ang matuto. Ang pagiging mausisa, matanong, at pagkakaroon ng kultural na pag-unawa ay mga bagay na ipinagdiriwang namin dito. Maging magalang sa iba at sa kanilang pinanggalingan.
Tulong at suporta sa lahat ng mga lebel ng kakayahan
Sama-sama tayong lahat dito. Mahirap mag-aral ng wika at kailangan ng tapang at dedikasyon dito. Kung merong nagkamali sa gramatika o may nagtanong na tingin mo ay madali namang sagutin, tumulong ka sa mabait at mahinahong paraan. Walang matututo sa panunukso at pagtataray. Hindi mo ba masasabi nang maayos? Huwag ka na lang sumagot.
Tanggapin at ibahagi ang mga pagkakaiba ng wika sa rehiyon
Ang wika ay pwedeng magkaroon ng maraming salita, punto, at paraan para sabihin ang iisang bagay. Sa palagay namin, isa ito sa nakakamanghang bagay sa wika. Aralin ang mga pag-uusap na ito na bukas ang isip at asal.
Mag-isip bago magbahagi
Mahalaga sa aming protektado ka. Makakaharap ang ibang tao sa pagsasalita ng ibang wika kaya mag-ingat sa pakikipagpalitan o pag-post ng anumang pribadong impormasyong pwedeng maabuso. Kasama rito ang phone number, edad, address, anong oras kang nasa bahay, eskwela, email o iba pang personal na impormasyong lalabag sa privacy mo. Sa madaling sabi: huwag sosobra sa pagbahagi. Ang pagbahagi at pag-engganyo sa ibang magbahagi ng personal na datos ay pwedeng rason para matanggal ang post mo at baka pati ang account mo.
Pakiusap, huwag gamitin ang Duolingo sa...
Pag-atake sa tao o grupo gamit ang mga salita at kilos
Ang Duolingo ay isang ligtas na espasyo sa mga mag-aaral mula sa anumang estado ng buhay. Anumang uri ng panggugulo o harassment at pananakit ay hindi pahihintulutan. Ang paggamit ng mga simbolo, pangalan, at text na nagpapalaganap ng galit—pati ang harassment, palihim na pagsubaybay, panggagaya, at pagsabi ng mga salitang seksuwal sa mga tao—ay ituturing na abuso. Ganito rin ang turing sa paglalagay ng profile photo at username na nakakabagabag o may nakahubad. Tulad ng nakalahad sa mga termino, karapatan ng Duolingo na palitan ang mga imahe o magtanggal ng mga account ayon sa kanilang natatanging paghuhusga. Katulad ng kargo de konsensiya: Kung nagdudulot ka sa iba ng pakiramdam ng pag-atake o pananakit sa insulto, dapat ay hindi mo na ito gawin. Sineseryoso namin ang lahat ng ganitong uri ng report na natatanggap namin kaya pwedeng tanggalin ang account mo nang walang paunang babala kung napatunayan ng team namin ang ganitong uri ng gawain.
Malisyosong paghanda ng script o pandaraya
Naniniwala ang Duolingo sa matapat na pag-aaral. Kung nagsusulat ka na may intensiyong mandaya o magbahagi ng impormasyon at mga instruksiyon tungkol sa paggamit ng Duolingo na pwedeng makaapekto sa sistema, komunidad, pag-aaral, datos, o karanasan sa negatibo o malaking paraan, pwedeng alisin ang account at mga post mo.
Pagsulat ng mga mapang-asar na komento
Walang naidudulot sa pag-aaral ang mga komentong puno ng galit, malaswa, at di konektado sa paksa. Ganoon din ang pagmumura (hayaan mong diskubrehin ng mga tao ang ganyang mga salita sa labas). Huwag mo itong isasali sa mga usapang tungkol sa wika.
Sa Kabuuan
Hindi namin pinahihintulutan ang nilalaman na:
- Ilegal
- May pornograpiya
- Sobrang bulgar o marahas
- Spam
- Nagbabanta, nanggugulo, o nang-aaway
- May diskriminasyon o negatibong pagtrato batay sa lahi
- May panggagaya sa ibang tao para manlinlang o manloko
- May personal na impormasyong kumpidensiyal
Pakiusap, huwag nang mag-aksaya ng oras sa paghahanap ng palusot; tatanggalin namin ang anumang nilalaman na lumalabag sa esensiya ng mga gabay na ito at maaari kang mawalan ng bahagya o kabuuang paggamit sa Duolingo nang walang babala. Sa pagsunod sa mga gabay na ito, nakakatulong tayong lahat na maging mas interesante ang komunidad ng mga mag-aaral.